"Rebulto"

Kumusta mga mambabasa. Tawagin niyo na lang po akong “Terry”. Ito po ang unang kuwento na ibabahagi ko sa lahat kaya pasensya na kung hindi siya kasing ganda sa karamihan ng mga istorya na nabasa or narinig niyo na.

O, tahimik na at magsisimula na tayo...

Laking tuwa ni Goyo ng masunog ang rebulto sa Simbahan ng San Bernardo. Pinilit niyang magkunwari sa kanyang mga magulang at maging sa kanyang mga guro na nalulungkot din siya na natupok ng apoy ang nasabing simbahan. Pero kapag naiisa siya at sigurado na wala ng nakakakita sa kanya ay napapangiti at nakakahinga siya ng maluwag.

Ang totoo kasi ay matagal na niyang pinapangarap na mawala ang nasabing rebulto. Matagal na itong dinadagsa ng mga taga-ibang bayan at maging mga dayuhan dahil naghihimala daw ito. Kaya daw nitong magpagaling ng mga may sakit at mga may karamdaman. Ngunit matagal ng pinagdududahan at pinaghihinalaan ni Goyo ang nasabing rebulto.

Noong una pa lang siyang dinala ng kanyang ina sa Simbahan ng San Bernardo at inilapit sa nasabing rebulto ay nakaramdam siya ng matinding takot at pangamba. Ang sinasabing rebulto ay isang imahe ni Santa Maria at Hesukristo na nakatingin pababa at nakasimangot na animoy nanghuhusga o nandidiri sa tinitignan ng mga ito. Kinilabutan si Goyo noon ng una niyang masilayan ang mga ito at madalas siyang bangungutin sa gabi na tila tinititigan siya ng rebulto habang siya ay natutulog.

Noong siya naman ay naging sakristan sa simbahan ay nakaranas siya, ang kanyang mga kapwa sakristan at maging si Fr. O’Brien na taga-Ireland ng kababalaghan sa simbahan. Meron iyong halos walang katao-tao sa loob ng simbahan pero biglang may makakarinig ng mga halakhak ng babae at lalake. Tapos meron naman iyong parang gumagalaw o lumilipat ng puwesto iyong mismong rebulto. Minsan naman may nag-uusap ng pabulong sa loob ng simbahan at kadalasan tungkol ito sa kung sinuman ang nasa loob ng simbahan at ang mga bagay na kinatatakutan o kinakahiya nila.

Kay Father O’Brien naririnig niyang pinag-uusapan si Anna, ang dati nitong kasintahan sa Ireland noong binata pa siya. Dahil nga sa siya ay nagpari, napilitan siyang iwanan ito kahit mahal-na-mahal siya nito. Bandang huli, nabalitaan na lang niya na nagpakamatay na pala si Anna sa pagbigti sa sarili sa mismong puno kung saan sila nagkikita nung mga kabataan nila. Tuwing naririnig ni Father O’Brien ang mga bulong sa simbahan, naririnig niya ito sa katagang Gaelic o Sinaunang Celtic na itinuro naman sa kanya ng kanyang lola. Ang madalas sambitin ng mga boses ay kung paano mamula ang mukha ni Anna at kung paano lumuwa ang kanyang mga mata at lumaylay ang kanyang dila noong siya ay magbigti.

Pagdating naman kay Kuya Roderick, isang nakakatandang sakristan sa simbahan, tungkol naman sa kanyang yumao ng lolo ang pinag-uusapan ng mga boses. Isang araw napilitan siyang umalis ng bahay para makipagkita sa kanyang girlfriend at iniwang nag-iisa sa bahay ang kanyang lolo. Sa kasamaang palad, doon din nalagutan ng hininga ang kanyang lolo at hanggang ngayon ay bumabagabag sa kanyang puso’t-isipan. Sa loon ng simbahan, pag lumalapit siya sa rebulto ay pinaguusapan ng mga boses kung paano namatay ang kanyang lolo at paano ito sumigaw para makahingi ng tulong ngunit walang nakarinig dahil wala si Roderick sa bahay. Pinag-uusapan ng mga boses kung paano namilipit sa sakit ang lolo ni Roderick baga ito tuluyang panawan ng buhay.

Kay Goyo naman mismo ay pinag-uusapan ng mga boses ang kanyang pagiging homosexual. Pinagtatawanan at pinandidirian ng mga boses kung paano niya tignan si Father O’Brien at Kuya Roderick ng kakaiba. Matagal na nga naman na tinatago ni Goyo ang pagiging bakla nito sa kanyang pamilya, kaibigan at mga kakilala. Ayaw niyang malaman ng iba na nakakaramdam siya ng pagnanasa sa kanyang kapwa lalake. Ngunit pag nakakalapit siya sa rebulto, pinag-uusapan ng mga boses kung paano mapapahiya ang kanyang pamilya at kung paano mawawala lahat ng kanyang mga kaibigan sa oras na lumabas ang katotohanan tungkol sa kanya.

Ngunit kahit ang mga boses na nagbubulungan ay maliit lamang na mga bagay kung ikokompara sa malagim na mga “himala” na ginagawa nito. Bilang isang sakristan, maraming nakilala at naging kaibigan si Goyo na mga taong nagnanais na mapagaling ang kanilang mga karamdaman. Ngunit gumaling man sila ay nagkaroon ang lahat ng ito ng matinding kapalit.

Si Dominica Briones ay isang babae mula sa Manila na ipinanganak na bulag. Lumapit siya sa rebulto ng San Bernardo para makakita ang kanyang mga mata. Sabi niya kay Goyo na parang imposible man ito ay wala naman talagang imposible sa Diyos. Ng hinipo niya ang rebulto ay agad siyang nakakita at sa una ay tuwang-tuwa siya at todo ang pagpapasalamat sa Panginoon. Ngunit, ilang linggo matapos siyang makabalik ng Maynila ay nakakakita siya ng katatakutan. Nakakakita siya ng mga diablong umaali-aligid sa kanyang paligid. Hindi niya mailarawan ng maigi ang mga diablo ngunit nakikita niya na dalawa sila; isang babae at isang lalakeng demonyo na kasing-itim ng uling, may mga naglalakihang mga sungay na parang sa toro at meron mga nanlilisik at pulang-pula na mga mata.

Si Pamela Medina naman ay isang batang babae galing Davao na pipi. Sabi ng mga magulang nito kay Goyo na nagbabasakali sila na magagawaan pa ng paraan ang kondisyon ng kanilang anak. Napagaling nga naman ng rebulto ang kanilang anak ngunit makalipas ang ilang araw ay nagsimulang magsalita ang kanilang anak ng mga hindi kanais-nais na bagay. Mga murang hindi nila kayang ituro sa anak nila, mga wikang wala silang ka ide-ideya kung ano at mga lihim na katago-tago ay sinasabi ni Pamela. At ang malala pa ay parang nawalan ito ng kontrol ng sarili nitong bibig at boses.

Si George Fielding ay isang dayuhan mula pa ng New Zealand na paralyze matapos maaksidente. Lumapit siya sa rebulto sa pag-aakalang mapapagaling din siya nito. Matapos maidikit sa kanya ang rebulto ay agad siyang nakakilos. Tuwang-tuwa din siya at nagpasalamat kaagad sa Diyos sa pagpapagaling sa kanya. Pero tulad din ng iba ay mayroon din naging kapalit ang pagpapagaling sa kanya. Napansin niyang nawawalan siya ng kontrol sa kanyang katawan at gumagawa ng mga bagay na hindi naman niya gusto. Nauwi sa punto na napatay niya ang kanyang sariling asawa dahil sa pag-kontrol umano sa kanyang katawan at tuluyang nakulong.

Isang gabi, bago umalis ng simbahan sina Goyo, Kuya Roderick at Father O’Brien ay nagsabi ang banyagang pari na dapat masira ang rebulto para matigil na ang paghahasik nito ng lagim. Ngunit sa kasawiang palad ay inatake sa puso ang pari kinabukasan at walang kinahinatnan ito. Si Roderick naman ay nagbalak na pasukin ang simbahan sa gabi para dukutin at itapon ang rebulto ngunit nahulog siya mula sa bintana na binabalak niyang pasukin at namatay sa kanyang pagbagsak dahil napakataas nito.

Sa mga sumunod pang araw ay hindi na ulit nagsakristan si Goyo at naisip na magsimba na lang sa simbahan sa karatig bayan kahit na malayo pa ito. Ngunit pagdating ng gabi ay tuloy pa rin ang pagpaparamdam sa kanya ng rebulto sa simbahan. Madalas pa siyang managinip na ang mismong rebulto ay nasa labas ng kanyang bintana o kaya naman sa loob ng kanyang kwarto.

Noong mabalitaan niya na nasunog na ang Simbahan ng San Bernardo matapos ito tamaan ng kidlat ay tuwang-tuwa siya. Ibig sabihin noon ay wala na rin ang rebultong kinatatakutan at kinamumuhian niya. Pumunta nga siya sa lugar ng nasunog na simbahan at nakitang nagiba ang buong gusali dahil sa pagkakasunog nito.

Pumunta siya sa puwesto kung saan madalas matagpuan ang rebulto at nakita nga doon ang nangingitim na piraso ng rebulto. Nakahinga ng maluwag si Goyo at ginamit ang isang para tignan ang isang piraso ng rebulto na nakakalat. Ito iyong ulo nung estatwang Hesukristo at nakita ni Goyo na nasunog ang mukha nito at isa na lamang itim na umbok ang nakapuwesto sa dati nitong mukha.

Sa wakas, sa isip-isip ni Goyo. Wala na rin ang rebulto!

Ngunit napatigil siya ng may marinig siyang mga boses sa hangin...

Sa wakas, sabi ng boses ng babae at lalake. Malaya na kami!

At nakarinig si Goyo ng malakas na halakhak na tila pumapalibot sa kanya...

Comments