Salamin (Part 1)
SALAMIN (PART ONE)
Ang kuwento na ito ay “fiction” o kathang isip lamang...
Una sa lahat, gusto ko pong magpasalamat sa pagbahagi sa
aking kuwento.
Pangalawa naman po ay gusto ko pong manghingi ng pasensya sa
pautal-utal, wrong grammar at wrong spelling ko na Tagalog. Hindi po kasi ako
sanay gumawa ng kuwento sa katagang Tagalog. Pasensya na rin po kung may
pagka-Taglish ang kuwento na ito dahil mas sanay akong gumamit ng salita o
terminong Ingles.
Sige po, start na tayo...
+++
Si Zakeo Salazar ay isang propesyonal na detective sa
lungsod ng Fortaleza. Dati siyang pulis sa Maynila ngunit, matapos siyang may
makitang pangyayari na hindi niya dapat nakita ay nag-resign siya. Ngayon, isa
na lamang siyang detective sa Fortaleza at ang madalas niyang mga kaso ay mga
problema sa pamilya, pangangaliwa ng asawa at ang madalas na issue ng mga scam.
Isang gabi, may dumating siyang kliyente na hindi niya
inaasahan.
“Ay good evening po, Mrs. Tuazon,” gunita niya sa isang
napakagandang babae na pumasok sa kanyang opisina. “Maupo po kayo.”
Si Mrs. Tuazon na dati ay si Ms. Jessica Iago ay isa sa mga
kalahok ng Mutya ng Pilipinas. Naalala pa noon ni Zakeo ang ganda at
pagkakahubog ng katawan nito. Lalo na nung swimsuit competition.
Mahigit labing-limang taon na ang lumilipas mula ng sumali
si Jessica pero kitang-kita pa rin ang kagandahan nito. Maputi siya dahil may
lahi siyang Kastila at ganap na napakatangkad. Naisip na lang ni Zakeo na
napakasuwerte siguro ng napangasawa nito kung sino man siya.
“Ano po iyon maipaglilingkod ko?” tanong ni Zakeo.
Totoo nga naman na nangangailangan ito ng pera at kailangan
ng magbayad ng renta kundi ay mawawalan siya ng tahanan.
“Simple lang naman, Detective Salazar,” sabi ni Jessica sa
kanya. “Kinakaliwa ako ng asawa ko. I want you to find out for me who it is and
bring to me the evidence. That’s all.”
“Pangangaliwa?” tanong ni Zakeo.
Sa totoo lang hindi maisip ni Zakeo kung sino ang kakaliwa
sa babaeng kasing ganda at kasing ma-impluwensiya ni Jessica.
“Oo, kinakaliwa niya ako,” sabi lang ni Jessica. “How much
do you charge?”
“Nagkausap na ba kayo?” tanong ni Zakeo. “Kinompronta mo na
ba siya ukol dito?”
“Hindi na iyon kailangan!” biglang tumaas ang boses ng babae
at nagulat si Zakeo. “Basta alam kong kinakaliwa niya ako!”
“Okay,” napakamot na lang ng ulo si Zakeo. “Ten thousand
ngayon at ten thousand ulit pag tapos na ang kaso.”
“Alright,” sabi ni Jessica. “Deal.”
Naglapag ang babae ng sampung-libong piso sa mesa sa harap nilang
dalawa at tumayo para umalis.
“Ia-update na lang kita sa-“ hindi pa natatapos ang
sasabihin ni Zakeo ay nakalabas na si Jessica ng kanyang opisina.
Tahimik itong sinundan ni Zakeo at nakakita ng kakaibang
pangyayari sa pinto ng building.
Mag-isa lang si Jessica sa harap ng pintuan na may malaking
salamin sa loob.
Nakatingin si Jessica dito na parang may kausap ngunit wala
naman makita si Zakeo na naka-reflect dito.
“Oo,” sabi ni Jessica kung sino man ang kausap nito. “Nasabi
ko na sa detective and kaso ko. Malalaman na natin ngayon kung sino ang bruha
na kinakasama ni Antonio. At pag may pruweba na tayo, puwedeng-puwede ko na
siyang hiwalayan! Ano? May tumitingin sa akin?”
Biglang nagtago si Zakeo sa likod ng pader ng lumingon si
Jessica.
Maya-maya lamang ay narinig niya ang pagbukas at pagsara ng
pinto kaya lumabas siya para sumilip ulit. Wala na si Jessica. Bumaba siya para
sumilip din sa salamin pero wala naman siyang nakita o napansin.
Babalik na sana si Zakeo sa kanyang opisina ng may nakita
siyang ipis sa isang sulok ng sahig. Tinignan niya lang ito ng sandali at medyo
napangiti. Matapos noon ay umakyat na siya sa kanyang opisina para maghanda sa
mga gagawin niya bukas.
+++
Tahimik na nagmamasid si Zakeo sa kanyang kotse na Toyota
Corolla at nag-aabang na lumabas ng trabaho si Antonio Tuazon, ang asawa ni
Jessica.
Makalipas ang ilang oras ay lumabas din ito at sumakay sa
kanyang Inova na siya namang sinundan ni Zakeo.
Pumunta ng isang mamahalin na restaurant si Antonio at naupo
mag-isa sa isang la mesa. Maya-maya lamang may dumating ng isang babaeng negra
na napakaganda at napaka-sexy. Medyo may hawig ito kay Beyonce noong hindi pa
ito gaanong nagpapakulay ng buhok.
Nilabas ni Zakeo ang isang maliit na camera na hindi madaling
makita at sinimulang i-record ang ginagawa ni Antonio at nang kasama niyang
babae sa loob ng restaurant.
Maya-maya lang ay naglabas ng malaking pera si Antonio at
nilapag niya ito sa mesa. Hindi sigurado si Zakeo pero mukhang libo-libo ang
inilapag ni Antonio sa harap ng babae. Mas malaki pa ito kesa sa perang nilatag
ni Jessica sa harap niya kamakailan lamang.
Parang nakiki-usap si Antonio doon sa babae pero puro
pag-iling lang ang naging sagot nito. Maya-maya ay nagsimulang umiyak si
Antonio pero puro hindi ang sinesenyas ng babae. Dumating sa punto na parang
nagmamakaawa na ang lalake at medyo parang naiiyak na rin ang babae pero ayaw
pa rin nito tanggapin ang perang inaalok dito ni Antonio.
Matapos ang ilang minuto, tumayo ang babae at umalis. Ngunit
hindi ito umalis ng basta-basta at hinawakan sandali ang balikat ng lalakeng
umiiyak. May binulong ito sa tenga ni Antonio at parang mas lalong umiyak ang
lalake ngunit tumango ito.
Hindi gaanong mabasa ni Zakeo kung ano nga ba ang
pinag-uusapan ng dalawa. Pangangaliwa nga ba ang nangyayari? Para kasing may
mali.
+++
Alam na ni Zakeo kung saan susunod na pupunta si Zakeo.
Dadaan ito ng isang paaralan para sunduin ang mga anak nito na si Jerry at Jill
Tuazon. Kaya nauna ng pumunta ang detective sa St. Tadeo Academy.
Nakita at nakilala niya ang dalawang magkapatid na
naghihintay sa tapat ng isang branch ng 7/11. Hindi alam ni Zakeo kung ano ang
saktong pumasok sa isip niya pero tumabi siya sa dalawang magkapatid. Hindi rin
naman siya siguro makikilala ng dalawa, sa isip-isip niya.
Matagal bago dumating si Antonio at makalipas ang ilang
minuto, nagsimulang umiyak si Jerry, ang nakababatang kapatid na lalake.
“Uy,” sabi ni Zakeo. “Bakit?”
“Wala po kuya,” sabi ni Jill, ang panganay at babae sa dalawa.
“Masakit lang yata ang tiyan.”
Hindi na lang umimik si Zakeo at nanahimik.
“Kuya,” sabi ni Jerry ng medyo nahimasmasan ang bata.
“Detective po kayo ‘di ba?”
“Ha?” nanlaki ang mga mata ni Zakeo ng tinanong ito ng bata.
“Ah, eh... Pa-paano mo naman nasabi iyon bata?”
“Nakita po kita sa balita sa Youtube,” sagot ni Jerry.
“Detective daw kayo na nagso-solve ng mga kaso ng kababalaghan. Napanood ko po
iyong video kung saan may hinuli po kayong aswang na umaaligid sa bayan ng San
Simon. May nakita din po kasi akong link sa website niyo sa Youtube.”
Patay, sa
isip-isip ni Zakeo. Mabubuking na ako
nito.
Biglang dumukot ng maraming pera na tag-iisang daan na naka
rubber band mula sa bag si Jerry. Iniabot niya ito kay Zakeo sa nanginginig na
kamay. Hindi sigurado ang detective pero ang tantiya niya ay may dalawang o
tatlong libo ang inaabot sa kanya.
“A-Ano iyan?” tanong ni Zakeo. “B-Bakit?”
“Ito po iyong na-ipon ko,” sabi ni Jerry kay Zakeo. “Sa iyo
na lang po ito kung tutulungan niyo ako!”
“H-Ha?” hindi pa rin alam ni Zakeo kung paano sasagot sa
bata. “E-E...”
“Sige na po Detective Salazar,” makaawa ng bata sa kanya.
“Tulungan niyo po ang Mommy Jessica ko!”
At doon medyo nagtaka ni Zakeo.
“Jerry, tama na!” sabi ni Jill sa kapatid. “Baka hindi naman
siya iyong taong sinasabi mo!”
“Hindi, siya iyon,” sabi ni Jerry. “Siya si Detective Zakeo
Salazar!”
Maya-maya ay dumating na nga si Antonio sa 7/11 kung saan
sila nakaupo. Nagpasimple lang si Zakeo para hindi mapansin ni Antonio. Hindi
na lang niya tinanggap ang pera ni Jerry pero doon na siya nagsimulang magtaka.
+++
Noong gabing iyon ay napaisip ng husto si Zakeo kaya naisip
na rin niyang pumunta malapit sa bahay ng mga Tuazon upang mag-masid. Tutal,
nandodoon din naman si Antonio at binabayaran siya para bantayan ang kilos
nito. Kapag napansin siya ni Jessica, sasabihin na lang niya na ito ay dahil
gusto rin niyang makita kung anong ginagawa ni Antonio sa bahay. Alam niya na
medyo parang hindi kapani-paniwala ang paliwanag na ito pero wala na rin naman
siyang ibang pagpipilian.
Naalala niya kasi ang pag-iyak ni Antonio sa harap ng
babaeng kausap niya sa restaurant. Naalala din niya kung paano magmakaawa sa
kanya si Jerry para “tulungan” ang kanyang mommy. Parang hindi na
“pangangaliwa” ang nangyayari sa pamilyang Tuazon.
Hindi dinala ni Zakeo ang kanyang sasakyan at nakadamit lang
ng simpleng t-shirt at jeans para hindi gaanong halata. Para hindi maaninag ang
mukha niya, nagsuot siya ng itim na cap at pekeng balbas. Tumambay siya sa
harap ng isang tindahan malapit sa bahay ng mga Tuazon at natatanaw niya
di-umano ang mga bintana nito.
Ang una niyang napansin ay parang laging galit si Jessica sa
asawa at maging sa mga anak nito. Lagi nitong sinisigawan ang miyembro ng kanyang
pamilya kahit wala naman talaga itong dahilan. Masasabi niyang napakaganda pa
rin nito pero sa paninigaw niya sa kanyang pamilya ay nagiging nakakatakot na
ang itsura nito.
Maghahating-gabi na at hindi pa rin umaalis si Zakeo dahil
gusto niya talagang malaman kung ano ang nangyayari sa mga Tuazon.
Maya-maya lang ay nakita niyang pumasok ng kwarto si Jessica
at humarap sa isang napakalaking salamin. Hindi niya gaanong makita ang salamin
pero parang kakaiba ang disenyo nito. Noong una ay nakaharap lang sa salamin si
Jessica ngunit makalipas ang ilang minuto ay nagsimula na itong magsalita.
Hindi sigurado si Zakeo ngunit parang kinakausap ni Jessica ang kanyang sarili
o kaya naman ay kinakausap ang mismong salamin.
Hindi nagtagal ay may kakaibang liwanag na nagmumula sa
salamin. Parang berde ito at parang mas maliwanag pa kesa sa ilaw ni Jessica sa
loob ng kanyang kwarto. Para talagang may kausap si Jessica at iniisip ni Zakeo
kung may magagawa siya para marinig at maintindihan niya ang mga sinasabi nito.
Ngunit biglang nagulat si Zakeo ng humarap sa direksyon niya
si Jessica. Sa liwanag ng salamin at sa parang patay niyang expression ay
nawala ang ganda nito at tuluyan ng nagmukhang bruha. Gulo-gulo ang kanyang
buhok at nanlilisik ang kanyang mga mata.
Nakaramdam ng takot si Zakeo at lumingon ng papalayo.
Naaninag na lang niya na lumapit sa bintana si Jessica at isinara ang mga
kurtina nito. Huminga siya ng malalim at nagdasal na hindi sana siya napansin
nito.
“Grabe,” sabi ng matandang tindera at nagulat si Zakeo.
“Anlaki talaga ng pinagbago ni Jessica.”
“Ha?” tanong ni Zakeo. “Bakit? Ano po ba ang nangyari sa
kanya?”
“Hindi ko alam iho,” sagot ng tindera. “Pero hindi naman
kasi siya dating ganyan. Dati mabait iyang si Jessica. Napakabait na asawa’t
ina. Magiliw iyan sa mga bata noon. Aba’y nakikipaglaro pa nga iyan ng
patintero sa mga bata dito noon. Ngayon, ganyan na siya. Sobrang sungit, walang
pasensya at laging nanalamin.”
“Laging nanalamin?” tanong ni Zakeo.
“Oo, lagi na lang siyang nanalamin,” sabi ng tindera. “Tapos
parang may kausap sa salamin. Sabi pa nga ng iba ay may mga oras na may
kinakausap siya sa salamin ng mga bintana o kaya mga sasakyan. Hindi ko alam
pero sa tinging ko e parang may problema na sa pag-iisip iyang si Jessica.”
“Ganoon ba?” tanong ni Zakeo. “Kakaiba nga.”
+++
Kinabukasan ay sinundan ulit ni Zakeo si Antonio.
Sa pagkakataong ito ay pumasok siya sa isang branch ng SNR at minabuti na rin ni Zakeo na
sumunod dito. Gusto niya kasing mapakinggan ng husto ang pinag-uusapan ni
Antonio at ng babaeng kinakausap nito. At siyempre para makakain din ng
napakasarap na pizza.
Hindi nagtagal ay dumating din ang babaeng kausap ni
Antonio. Napakatangkad pala nito at nakita ni Zakeo na mas maganda pala ito pag
mas malapit. Tila para itong model maglakad at kumekembot-kembot pa.
Iniwasan ni Zakeo ang tingin nito pero sa isang segundo ay
nagkatinginan sila ng mata at nakita ni Zakeo ng bigla itong nagkaroon ng mata
ng pusa. Tumagaktak ang pawis ni Zakeo. Iba na talaga ang ibig sabihin nito.
Umupo ang dalawa sa di kalayuan kay Zakeo.
“Nagbago na ba ang isip mo, Vanessa?” tanong ni Antonio sa
babae. “Handa mo na bang tulungan ang asawa ko?”
Huminga lang ng malalim ang babae.
“Antonio, sinabi ko naman na kahapon, ‘di ba?” sagot lang
nito. “Hindi ko puwedeng tulungan ang asawa mo kung hindi ko alam kung anong
nangyayari sa kanya. Hindi ko talaga matutulungan si Jessica pag ganyan
Antonio. Naiintindihan mo ba ako?”
“Pero papaano na lang ang mga anak namin?” tanong ni
Antonio, at naiiyak na naman. “Wala ka ba talagang magagawa?”
“Antonio, gusto talagang tulungan ka, maniwala ka,” sagot ni
Vanessa. “Pero kailangan ko ng detalye ng mga nangyayari, naiintindihan mo ba
iyon?”
Enganyong-enganyo talaga si Zakeo sa kanyang mga naririnig.
Gusto rin niyang marinig ang kuwento ng dalawa at kung ano nga ba ang
nangyayari kay Jessica. Ano nga ba kasi talaga ang nangyayari?
Laking gulat na lang niya ng inabot at tinapik ni Vanessa
ang kanyang balikat.
“Alam kong kanina ka pa nakikinig diyan, Detective Salazar,”
sabi ng babae at ng lingunin ni Zakeo ito, nakita niyang mga berdeng mata ng
pusa ang nakatitig sa kanya. “At alam ko rin na katulad kita.”
ITUTULOY
Comments
Post a Comment